Paano kumikita ang may-ari ng property sa EV charging
Kumikita ang isang property mula sa electric vehicle (EV) charging sa isa sa dalawang anyo: nakapirming upa, o bahagi ng binabayaran ng mga driver. Kung alin ang makukuha ninyo, at gaano kalaking panganib ang dadalhin ninyo, ay nakadepende sa deployment model na pagkakasunduan ninyo ng Provider. Ipinapaliwanag ng kabanatang ito ang limang model sa simpleng salita.
Nagbabayad ang driver. Nagbabayad ang site sa kuryente. Ang diperensya ang "pool".
Nagbabayad ang driver kada kilowatt-hour (kWh)
Ang singil sa driver sa bawat kilowatt hour na kinukuha niya. Ito ang kabuuang kita, at ang nagpapatakbo ng charger ang nagtatakda nito.
Mas mababa ang binabayaran ng site sa kuryente
Ang inyong commercial tariff, dagdag ang anumang demand charge. Ito ang gastos, at ang demand charge ang bahaging madalas makaligtaan.
Ang diperensya ang "pool"
Ang natitira ay hinahati sa nagbayad para sa kagamitan, sa nagpapatakbo nito, at sa property. Ang deployment model ang nagpapasya kung sino ang makakakuha ng ano, hindi ang makina.
Ang lahat ng iba pa sa kabanatang ito ay tungkol sa kung sino ang makakakuha ng gaano kalaking bahagi ng pool na iyon, at kung sino ang sasalo sa matumal na buwan.
Limang paraan ng pagpapatayo.
Ito rin ang limang model na inilalarawan sa aming pahinang Para sa May-ari.
| Model | Sino ang gagastos sa pagpapatayo | Ano ang makukuha ng property | Sino ang may panganib |
|---|---|---|---|
| You own it | Kayo | Ang buong margin | Kayo |
| Zero capital expenditure | Ang Provider | Upa, o bahagi ng kita | Ang Provider |
| Charge point operator | Ang Provider | Isang bahagi, kadalasang mas maliit, nang walang pakikialam | Ang Provider |
| Hybrid | Hati | Pinag-uusapan | Hati |
| Equipment lease | Ang Provider, at nagbabayad kayo ng nakapirming halaga buwan-buwan | Ang buong margin, pagkatapos ng bayad na iyon | Kayo |
You own it
Kayo ang bibili ng mga charger at magbabayad sa installation. Sa inyo ang buong margin, at kayo ang may dala ng buong panganib: mahinang paggamit, pagkukumpuni at gastos sa pagpapatakbo. Kailangan pa rin ninyo ng kumpanyang magpapatakbo ng mga charger araw-araw, o kayo mismo ang gagawa. Ang pagpapatakbo mismo ng mga pampublikong charger ay maaaring mangailangan ng accreditation mula sa Department of Energy (DOE). Magtanong muna sa DOE bago kayo magpasya.
Zero capital expenditure
Ang Provider ang gagastos sa pagpapatayo. Kapalit nito, babayaran kayo ng nakapirming upa o bahagi ng kita. Mas maliit ang panganib na dadalhin ninyo. Pero isinusuko rin ninyo ang malaking bahagi ng dagdag na kita kapag dumami ang gumagamit ng charger.
Charge point operator
Ang Provider ang gagastos sa pagpapatayo at magpapatakbo ng lahat. Kayo ang magpapatuloy sa mga charger at tatanggap ng bahagi, kadalasang mas maliit, nang walang pakikialam. Ang pinakasimpleng kasunduan para sa mga may-aring ayaw nang mamahala ng kahit ano.
Hybrid
Hahatiin ninyo ng Provider ang gastos sa pagpapatayo, at hahatiin ang kita at panganib ayon sa pagkakasunduan ninyo. Mas maraming dapat pagkasunduan, at mas maraming dapat basahing mabuti.
Equipment lease
Nagbabayad kayo sa Provider ng nakapirming halaga buwan-buwan, sa takdang bilang ng buwan, para sa mga charger at sa pagpapatakbo ng mga ito. Ang Provider ang nagpapatakbo ng mga charger araw-araw. Pagkatapos ng bayad na iyon, sa inyo ang margin. Kahit matumal ang mga charger, magbabayad pa rin kayo. Bago pumirma, itanong kung kanino mapupunta ang mga charger sa dulo ng kasunduan, kung mabibili ba ninyo ang mga ito at sa anong presyo, at sino ang magbabayad sa pagkukumpuni at sa panahong hindi gumagana ang mga charger. Una naming narinig ang model na ito mula sa higit sa isang Provider sa Philippine Electric Vehicle Summit noong Oktubre 2026, at hindi pa namin nakikita ang nakasulat na mga tuntunin nito.
Para sa mga tanong na dapat itanong sa bawat Provider, tingnan ang Host Agreement Checklist (sa Ingles).
Nakapirming upa, o bahagi ng kita.
Nakapirming upa
Pareho ang halaga bawat buwan, anuman ang mangyari sa charger. Madaling planuhin. Kung dumami ang gumagamit ng charger, hindi tataas ang upa maliban kung nakasaad sa kasunduan.
Bahagi ng kita
Tumataas at bumababa ang inyong kita ayon sa paggamit. Basahin kung paano inilalarawan ng kasunduan ang "revenue" o kita. Malaki ang pagkakaiba ng bahagi ng binabayaran ng driver at bahagi ng natitira matapos ang kuryente at mga bayarin.
Ang zero capital expenditure ay hindi nangangahulugang walang gastos o walang panganib.
Kahit ang Provider ang magbayad sa lahat, may ibinibigay pa rin kayo. Suriin ang mga ito bago pumirma.
Ang inyong paradahan
Ilang slot ang nakalaan, gaano katagal, at kung puwede itong gamitin ng ibang sasakyan.
Ang termino
Gaano katagal ang kasunduan, paano ninyo ito matatapos nang maaga, at sino ang mag-aalis ng kagamitan sa dulo, at sa gastos ng sino.
Ang kuryente
Sino ang magbabayad ng bill sa kuryente, kung may hiwalay na metro, at sino ang magbabayad ng anumang demand charge.
Ang paggamit ang nagpapasya sa lahat.
Mas mahalaga kung gaano kadalas gamitin ang mga charger kaysa sa model na pipiliin ninyo. Ang charger na nakatengga lang ay ginastusan pa rin sa pagkabit. Ang dalawang magkaparehong charger sa dalawang magkaibang property ay puwedeng kumita nang magkaibang-magkaiba. Kaya hula lang ang anumang numerong ipapakita sa inyo bago may tumingin sa inyong site.
Mula sa aming mga screening
Ang ZEEE Green Business Consultancy ay isang independiyenteng tagapayo sa EV charging. Hindi ito nagbebenta, nag-i-install o nagpapatakbo ng charger.
